Sunday, February 17, 2013

My Neighborhood

"It Takes a village to raise a child"
 
Simula pa magkamalay ako sa Bagong Nayon na kami nakatira. Ang daling maging nostalgic kung iisipin na maganda yung lugar namin 20 years ago lalo na pag titingnan pa yung mga larawan na naka-upload sa facebook page. Sabi ng tatay ko nung 70’s daw kapag nasa Marikina ka matatanaw mo ang Bagong Nayon tapos alam mo na Bagong Nayon yun dahil sa uniform na kulay berdeng asbestos na mga bubong. The best lumaki sa amin dati. Wala pang mga bakod mga bahay na pwede kang tumawid-tawid sa lote ng kung kaninong bahay bilang shortcut. Clusters ang sistema ng numero ng mga bahay dahil bundok ng Antipolo tapos mga walk-way lang papaloob sa ibang bahay kaya kung nasa looban ang bahay nyo, malabo na magkaroon kayo ng garahe. Yung isang dating basketball court nung 80's ginawa nang garahe nung 90's pa lang nung mga nakatira sa malapit doon.
Nung bata ako, ito lang ang mundo ko. Alam ko napuntahan ko lahat ng kasuluk-sulukan ng Bagong Nayon at Cogeo Village. Nilakad ko lang yun lahat dahil kung saan may kaklase ako nung elementary na magyaya sa bahay nila,napuntahan ko yun: Cluster A hanggang O, Sa Motor pool, Journal, Conference, Agora, tangke, 3 tanks, tower, 15 feet, talipapa. Kahit yung likod ng Bagong Nayon na tatagos papuntang Seminario at yung gubat sa gitna ng Bagong Nayon sa malapit sa eskwelahan, nagalugad din namin yun. Sabi pa nga dati may sirena daw dun sa fish pond sa gitna nun.
Ganun naman yata talaga ang mga bata noon, parang kung gaano ka-adventurous si Tom Sawyer, ganun din kami. Ngayon siguro hindi na ganun mga bata. Dati dadayo ka pa para lumaban ng teks at basketball. Kahit sa pangangaroling, alam naming san lulusot lalo pag nasa looban ng Cluster H. Ngayon siguro hindi ko na kaya dahil yung ibang mga walkway kinain na rin ng mga bakod.
Nung tumuntong na ako ng ikalawang taon sa high school, naging detached na ako sa mga naging kaibigan na kapitbahay namin. Sa Marikina na kasi ako nag-aral at andun na rin ang mga bagong kabarkada ko. Ilang taon na lumipas, dito pa rin naman ako nakatira pero hindi ko na masyado kakilala yung mga taga-rito. Kung may delivery boy na makakita sa akin sa kalsada at magtatanong kung saan ang bahay ng isang pangalan na malapit lang sa amin, wala, hindi ko na siya matutulungan. Lumaki na nga ang mundo ko at kung saan-saan na ako nakarating.
Nung biyernes, namatay ang isang kababata ko. Biglaan. Hit-and-run. Ewan ko matagal ko kang plano isulat tong blog tungkol sa lugar namin. Naalala ko rin sya nung minsan lalo yung isang nakakatawang eksena namin sa dati sa FX nung papasok kami noong high school. Pumunta kami sa lamay niya kanina. Higit labinlimang taon na nung huli ako nakapasok sa bahay nila. Iba na hitsura sa loob at sa labas.  Ang dami nang nagbago sa lugar namin. Maraming tao, mga kapitbahay namin pero kakaunti na lang yung nakausap ko. Hindi ko na nga sila masyado kakilala. May mga anak na sila yata lahat. Naging sentimental na lang din siguro ako. Sila yung mga kalaro ko sa basketball dati nung maayos pa yung half court, umaaraw o umuulan. Kasama ko tumambay hanggang madaling araw. Nakaribal ko pa na naalala ko lang ulit two years ago nung nakasabay ko magsimba yung babae at nakwento nya sa akin ulit. Memories.

No comments:

Post a Comment