Ano ba ang kulturang Pilipino? Meron pa ba tayo nito? Wala na yata.
Noong nagaaral pa ako, tinuturo sa Sibika at Kultura ang kultura natin: Mga bayani, mga magagandang pook, mga pambansang sagisag, kasaysayan natin at mga tradisyon at relihiyon na rin. Textbook. Sa pagtanda ko at pagpapatuloy ng pagaaral, nalaman ko pa ang iba pang katotohanan sa likod ng aral mula sa mga textbook ng kasaysayan gaya ng tunggalian nila Bonifacio at Aguinaldo; ang katotohanan sa people power at martial law, panahon ng hapon at amerikano. Lahat ng iyan ay nakaimpluwensya sa kung ano ang mga Pinoy ngayon; kung ano ang kultura natin ngayon. Masyado nang maraming pinagdaanan ang mga Pilipino. Marami nang sumakop sa atin. Ang mga bayani noong araw, gusto lang ay maging malaya tayo, ang magkaroon tayo ng sariling pagkakakilanlan at kasarinlan. Ngayon, ang gusto nalang nila ay yumaman. Wala nang pakialam kung mga dayuhan na ang nakikinabang sa likas na yaman natin.
Dito sa post ni Ambeth Ocampo, makikitang tinuturo ni Rizal ang wastong
pagbaybay sa wikang Tagalog. Sariling wika na lang natin, hindi pa maging puro. Mahirap na rin baguhin, ang wika ay masyadong mabilis magevolve.
Kung iisipin, tama nga siya, kung itutulad sa mga karatig bansa natin. Sa paggamit ng "i" at "y" makikita mo ganyan sa Hiragana. Galing ako sa Malaysia at ang baybay nila sa "Ice Cube" ay "ais kiub". Ang Pinoy kasi, masyado nang globalisado. Gusto world class. Wala na tayong kultura. Sa wika na lang, wala na. sa totoo lang, nakakamiss ang mga klasikong kanta ng kundiman. Wala na yatang sumusulat ng ganoon ngayon. Sayang. Maganda naman ang wika natin. Hindi lang nabibigyan ng pagkakataon. Pinapatay na ng komersyalismo ang sining na pumapatay naman sa kultura. Sa libro ni Dolphy, sabi niya noong araw sa panliligaw, kapag handa ka nang tumuloy sa bahay ng gusto mong ligawan, simulant mo sa harana. Nasaan na ang harana ngayon? Wala na rin. Maraming mga magulang ngayon, pilit na ingles na makipagusap sa anak nila. Tapos kapag iba ang kausap tagalog naman. Parang alien lang either ang bata o yung kausap na tinatagalog. Hindi ko alam kung bakit. What would Jose Rizal do? Kung siya kaya ang nagkaroon ng anak, tingin niyo ba magiging konyo yun na Spanish? Hindi na rin uso ang pagmamano. Tila nakareserba na lamang yan tuwing Pasko. Kapag manghihingi ng aginaldo sa mga ninong at ninang.
Ang mga pambansang sagisag natin, limot na rin. Bihira na yata ang may
kalabaw at bahay kubo. Kinasal ako na nakabarong tagalog dahil ganun
kinakasal ang pinoy, hindi amerikana. Kahit dati pa, hindi ko alam
paanong sipa ang pambansang laro natin. Sa mga international tournament,
wala naman tayo. Ang calesa, binubully pa sa Maynila ng mga sigang
drayber. Kawawa nga yung isang kabayo na nasagi ng bus at nasagasaan ng
jeep. Masayang naranasan ko rin magkalesa dati at umikot sa old Manila.
Feeling turista. Marami na akong napuntahan pero naiisip ko pa rin ang
kultura natin. Kinukumpara ko pa rin sa atin. Ang mga tradisyon, ang
sining. Wala e, puro mall na lang meron sa atin. Priority ang mall kaysa sa pagtaguyod ng paglikha ng mga liwasan.
Pero sino ba naman ako para magsabing wala na tayong kultura. Ito ako ngayon nasa ibang bansa.



No comments:
Post a Comment