Tuesday, September 18, 2012

Pamamalo sa School

Nung bata pa ako pag pinalo ng titser yung mag-aaral kasi malikot o pasaway ok lang. Malikot yung bata eh. May karapatan sya sa ganung pagpaparusa. Hindi nga nakasaad kung saang kasulatan pero parang prerogative na nila yun bilang pangalawang magulang ng bata sa paaralan. Alam ko yan kasi may first hand experience naman ako dyan. Unang baitang pa lang kami noon nagbatuhan kami ng binilog na papel buong klase kami nun bukod sa isang boring na kaklase na hindi nakisali sa kasiyahan. Pagdating ng guro, pinagalitan kami tapos pinalo nya sa kamay yung buong klase(syempre hindi kasama yung isang KJ) gamit yung stick na pangturo sa pisara. Masakit pero hindi ko na isinumbong yun sa nanay ko dahil papagalitan lang ako lalo kasi naging magulo ako sa paaralan. Maganda ring karanasan yun.
 

Tom Sawyer pinalo rin. Galing dito and larawan
Kahit sa pagbabasa ko ng Adventures of Tom Sawyer ni Mark Twain, pinapalo rin naman sila. Pag nanonood ako ng mga koreano o hapon na pelikula, pinapalo rin naman yung mga magugulong bata. Kahit sa Thai movie na Crazy Little Thing Called Love pinalo rin yung bidang lalake nung nakipagsuntukan sya.
Ngayon hindi na pwedeng mamalo. Maibabalita na ang guro sa TV Patrol pag ginawa iyon kahit gaano kalikot ang bata tapos nagsumbong sa magulang kawawa ang titser. "Hindi ko nga pinagbubuhatan ng kamay yung anak ko tapos papaluin lang sa iskul". Lol. Ewan, parang yung mga magulang kinukunsinte pa yung mga anak o hindi nila nakita yung ganung kalakaran nung nag-aaral sila o hindi sila nag-aral. Pwede rin na boring lang talaga ang kanilang kabataan.
Tingin ko masyado nang spoiled mga bata ngayon. Madalas naman kasi yung gusto nila nasusunod naman. Mahirap na siguro talaga magpalaki ng bata ngayon. May pamangkin ako tatlong taon pa lang tapos pag may gusto sya ibibigay agad ng nanay o ng lola nya. Sabi ko nga sino ba dapat nasusunod, ikaw o yung bata?
Sabi ni Bob Ong, malalaman mong "matanda" ka na kapag ikinukumpara mo ang henerasyon mo sa mas nakababatang henerasyon. Nabasa ko yan sa Stainless Longganisa. Proud batang 90s ako eh. Mas ok pa rin talaga ang buhay bata dati.

No comments:

Post a Comment